EBANGHELYO: Lucas 24:13-35
Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Sumagot ang isa sa kanila. “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati?” Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem.
PAGNINILAY:
May nabasa akong sipi, “Gawin mong positibo ang iyong pag-iisip dahil ito ang nagiging salita. Gawin mong positibo ang mga salita dahil ito ang nagiging asal. Gawin mong positibo ang pagkilos dahil ito ang nagiging ugali. Gawin mong positibo ang ugali dahil ito ang nagiging pagpapahalaga. Gawin mong positibo ang pagpapahalaga dahil ito ang iyong magiging kapalaran.” Malungkot, takot, tuliro at waring wala nang bukas ang dalawang alagad na pabalik ng Emmaus. Pero, sinabayan at pinakinggan ni Jesus ang kanilang mga kabiguan at daing. Nang makilala siya, nagbalik ang kanilang tapang at sigla.
PANALANGIN:
O Jesus, dagdagan mo ang aming pananampalataya para sa tuwina’y maging positibo ang aming mga isip, asal at gawa, Amen.-Dr.Lilia Antonio, Ph.D.