Daughters of Saint Paul

ABRIL 24, 2021 – SABADO SA IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 6:60-69

Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay Espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto rin ba ninyong umalis, Pedro?” “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Narci Penaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Isang regalo sa aking ministri ang makasama ang mga lingkod ng Simbahan sa pagninilay sa Salita ng Diyos. Sa maraming pagkakataong ito, ang malimit nilang komento: “Hindi ko maintindihan ang aking binasa! Naiisip ko, bakit nga ba ang hirap unawain ang Salita ng Diyos?   Sa aking pagtahimik, nakita ko ang dalawang uri ng tagapakinig:  Una: ang tagapakinig na ang gustong marinig o matanggap ay mga salita o bagay na gusto niya kapag lumapit sa Diyos. Siya iyong tagapakinig, na kapag hindi ayon sa gusto niya ang sinabi o ibinigay sa kanya, iiwanan ang Panginoon, o kaya’y sasabihin niya, ‘hindi ko maintindihan ang Panginoon.’  Pangalawa: ang tagapakinig na bukas ang tainga, ang puso at kalooban sa sasabihin o ibibigay sa kanya ng Panginoon. Siya ang nakakakita at nakakaramdam na ang bawat ugnayan sa Panginoon, ay nagbibigay sa kanya ng galak at kalayaan ng puso, isip at kalooban. Siya ay taong magaan, dahil ang kanyang galak ay nagmumula sa pagtugon niya sa paanyaya ng Panginoon na saliksikin ang katotohanan. At ito’y nagmumula kay Hesus na daluyan ng Salitang nagbibigay-buhay.  Kapatid, sino ka sa dalawa?  Buksan nawa natin ang ating mga puso sa patnubay ng Espiritu Santo upang dalhin niya tayo sa malalim na pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Amen.