Dakilain natin ang Diyos na puno ng habag at awa sa sangnilikha! Itinalaga ni St. John Paul II ang Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay bilang Kapistahan ng Panginoon ng Banal na Awa. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Pagnilayan natin ang Ebanghelyo ng Banal na awa ng Dios sa Mabuting Balita ngayon.
Ebanghelyo: Juan 20: 19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan! Tomas, dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala!” “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay:
Naulila ang mga apostol. Patay na ang kanilang lider. Nagkulong sila sa kanilang headquarter. Natatakot sila na baka sila ang isinuod na ipako sa krus. Lutang ang mga isip nila sa panahong iyon nang biglang harapin sila ni Jesus. Shalom ang kanyang pagbati sa kanila at dalawang ulit niya itong ibinigay sa mga apostol na hindi makapaniwala sa kanilang nakita at narinig. Kahit inilaglag nila si Jesus nang nagdurusa ito sa krus, wala silang panunumbat o galit na narinig mula sa kanya. Bukod sa kapayapaan, ibinigay din nila sa kanya ang misyon. “Kung paanong ipinadala ako ng Ama, pinapahayo ko rin kayo.” Ikatlo, ibinigay ni Jesus ang Espiritu Santo sa mga apostol. Wala siyang ibang pipiliin kundi ang mga apostol na naging kasama niya sa kabila ng kanilang mga kahinaan.