MARCOS 16:15-20
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
PAGNINILAY:
Bago iniakyat si Jesus at iniluklok sa kanan ng Ama, isinugo Niya ang labing-isang alagad upang ipahayag ang Mabuting Balita. Binigyan din Niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng demonyo sa Kanyang Ngalan, magsalita ng ibang wika, humawak ng ahas, proteksyon sa anumang lason, at magpagaling ng mga maysakit. Bilang mga binyagang Katoliko, hinandugan tayo ng Banal na Espiritu ng kapangyarihan na tulad sa ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga alagad kalakip nito ang tungkuling ipahayag ang Mabuting Balita. Ito ang katibayan ng ating kaligtasan at pakikiisa sa misyon ni Jesus. Pero bakit may mga binyagang Katoliko na bukod sa nagtapos sa Katolikong paaralan at kasapi ng relihiyosong samahan, ang nagiging pinuno ng pandaraya, mga di tapat na empleyado at negosyante, o mahirap magpatawad? Nangangahulugan kaya ito na kulang tayo sa pananampalataya? Di ba’t ang tunay na alagad, marunong magparaya at handang mag-alay ng panahon at lakas sa kapwa? Nasaan na ang taglay nating kapangyarihan na ipinagkatiwala sa atin ng ating Panginoon? Mga kapanalig, malaki ang ating tungkulin na ipagpatuloy ang nasimulang misyon ni Jesus, at dakila ang iginawad Niyang kapangyarihan sa atin. Kung hindi natin ito gagamitin at ibabahagi, sawimpalad tayo. Kaya’t hilingin natin ang tulong ni San Markos habang pinapanibago natin ang ating ipinangako bilang binyagang Katoliko. At mangako tayo na ihahayag natin ang Mabuting Balita ng ating Panginoon sa ating salita at gawa.