Daughters of Saint Paul

ABRIL 25, 2019 HUWEBES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: Lucas 24:35-48

Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila at sinabi: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”. Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”

 

PAGNINILAY:

Kagaya ng mga alagad, tayo man ay maraming beses nakadarama ng takot. Ano nga ba ang mga sanhi ng ating pagkatakot? Saan tayo kumukuha ng lakas para malabanan ang takot? May kuwento ang aming pari sa isang lalaking tumatawid ng mahabang tulay kasama ang Diyos. Sa bandang gitna, biglang ninerbiyos ang lalaki at sinabi, “Natatakot po ako. Pwede bang humawak ako sa inyo?”  Ang sagot ng Diyos, “Ako ang hahawak sa iyo. Kung ikaw ang hahawak, at biglang lumakas ang hangin, baka ka makabitiw. Pag ako ang hahawak sa iyo, hindi kita kailanman bibitawan.”  

 

PANALANGIN:

O Ama, lubos kaming nagtitiwala sa iyong patnubay at walang maliw na pagmamahal, Amen.-Dr.Lilia Antonio, Ph.D.