Daughters of Saint Paul

ABRIL 25, 2020 – SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY | Kapistahan ni San Marcos, Ebanghelista

EBANGHELYO: Marcos 16:15-20

Sinabi ni Jesus sa mga Alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala at ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Gusto mo bang maging misyonero o misyonera?  Sa bisa ng ating binyag, nakikibahagi tayong lahat sa misyon ni Jesus na ipalaganap ang Mabuting Balita. Walang excuse kahit na wala kang pinag-aralan. Bakit yong mga alagad ba ni Jesus matataas ang pinag-aralan? Hindi naman di ba? Pero bakit confident silang magpahayag ng mabuting balita tungkol kay Jesus. Mga kapanalig, isa lang ang kanilang credential – ang pakikinig kay Jesus at pananatili sa kanyang piling. Nanatili sila sa piling ni Jesus, kasa-kasama sa kanyang mga lakad at nakikinig sa kanyang mga pangaral at kwento. Kaya nang isinugo sila ni Jesus, ito rin ang kanilang ikinukwento sa mga tao. Ikinuwento nila ang kanilang mga natutuhan at naging karanasan sa piling ni Jesus. Maraming naniwala sa kanila, dahil bahagi ng kanilang sariling karanasan ang laman ng kanilang pahayag. Naramdaman at naranasan nila kung paano magmahal at magmalasakit ang Diyos, sa katauhan ni Jesus. Nasaksihan nila kung paano pinahirapan at namatay si Jesus. At nakita ng kanilang dalawang mga mata na muling nabuhay si Jesus. They were the eye witnesses of Christ’s resurrection. Mga kapanalig, ito ang higit na mabisang pahayag, ang kwento ng ating buhay pananampalataya, kung paano natin naranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos. Na sa kabila ng ating mga kahinaan at kamalian sa buhay, nanatiling tapat sa atin ang Diyos. Hindi niya tayo iniwan kahit isang saglit. Kaya mahalaga ang ating personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos lalo na sa panalangin. Dahil dito tayo tinuturuan ni Jesus ng mga aral sa buhay. Ito ang ibahagi natin sa ating kapwa, ang bunga ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos upang maramdaman din nila ang pagmamahal ng Diyos.  Amen.