Daughters of Saint Paul

ABRIL 25, 2021 – IKAAPAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (B)

EBANGHELYO: Jn 10:11-18

Sinabi ni Jesus: “Ako ang Mabuting Pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanyang sarili ang mga tupa, pagkakita niya sa asong-gubat na dumarating, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kaya inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at ipinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang malasakit sa mga tupa. Ako ang Mabuting Pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, gaya ng pagkakakilala sa akin ng Ama, at nakikilala ko ang Ama. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. May iba akong mga tupa na di naman mula sa kulungang ito. Sila may kailangan kong gabayan, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol. Mahal nga ako ng Ama sapagkat hinuhubad ko ang aking buhay at muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang naghuhubad nito ng kusa. May kapangyarihan ako upang hubarin ito, at may kapangyarihan din ako upang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Sebastian Gadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapag naririnig natin ang salitang “bokasyon” ang unang pumapasok sa isip natin ay buhay pagpapari at pagmamadre. Para sa atin ito ang ibig sabihin ng bokasyon. Nakakalimutan natin na ang buhay pag-aasawa at pananatiling single-blessed ay mga uri din ng bokasyon. Totoong iba-iba ang pagtawag sa atin ng Diyos. (Ano ba talaga ang layunin ng ating Panginoon sa pagtawag sa atin?//  Sa ating ebanghelyo ngayon, inilalarawan sa atin ng ating Panginoong Hesukristo kung ano ang katangian ng isang mabuting pastol. Sinabi ng ating Panginoong Hesus na: “Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.” Hindi lang ito inilarawan sa atin ng ating Panginoong Hesukristo, pero isinabuhay niya mismo ito.  At higit sa lahat ipinakita niya  na ang pagiging mabuting pastol, noong inialay niya ang kanyang buhay sa krus, alang-alang sa pag-ibig sa mga tupa.)// Mga kapatid, patuloy ang banal na Espiritu sa pagtawag ng mga taong maglilingkod sa simbahan. May mga taong tinawag ng Diyos sa buhay pagpapari at pagmamadre, buhay relihiyoso at relihiyosa; may mga tinawag sa buhay pag-aasawa. At may mga taong tinawag ng Diyos na manatiling single-blessed magpakailanman. Pero sa anumang bokasyon na pinili nating tumugon, may general calling tayo na magmahal at magpakabanal kagaya ng isang mabuting pastol.  Sa ating pagtugon sa pagtawag ng Diyos, taglayin nawa natin ang puso ng Mabuting Pastol, ang ating modelo, walang iba kundi ang ating Panginoong Hesukristo. Ngayong Pandaigdigang Araw ng panalangin para sa mga bokasyon, inaanyayahan tayong magkaroon ng puso kagaya ng isang mabuting pastol, na handang mag-alay ng buhay para mga tupa. Patuloy nating ipanalangin na “SANA ALL” magsilbing mabuting pastol.  

PANALANGIN

Panginoon, nawa’y masuri ng mga kabataan kung ano ang bokasyon nila sa buhay. Magsilbi nawa silang mabuting pastol sa ano mang bokasyong pinili nilang tumugon upang maglingkod. Papag-alabin nyo po wagas na pag-ibig at tapat na paglilingkod sa aming mga puso kahit kapalit nito ay buhay. Amen.