Daughters of Saint Paul

ABRIL 25, 2022 – LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Purihin natin ang Diyos! Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang Kapistahan ni San Marcos Ebanghelista. Siya ang nagsulat ng pinaka-maikling Ebanghelyo. Siya rin ang pinaka-unang Ebanghelista na nagtala ng kaganapan sa buhay ni Jesu-kristo.Pasalamatan natin ang Diyos kay San Marcos. Hilingin natin ang kanyang panalangin na tayoy maging masigasig sa ating pagpapahayag ng Salita ng Dios sa kasalukuyang panahon. Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul po ito na nagaanyayang samahan kami sa pagninilay sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Marcos 16: 15-20

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

Pagninilay:

Tila napakahirap ‘ata ng misyong ibinigay ni Hesus sa kanyang mga Apostoles. Napakahirap at mukhang imposible pa nga: “Go into the whole world and proclaim the gospel to every creature.” Silang mga taga-sunod ni Hesus na napakaraming limitasyon, silang nagsipulasan at nawala na parang bula sa panahon ng krisis ng panginoon sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan, ngayon ay pinagkakatiwalaang ipagpatuloy ang misyon ni Hesus mismo. Ngunit ang lubhang kamangha-mangha dito, natupad nila ang misyong ito! At tayo, sampu ng lahat ng mga kapatid nating Kristiyano sa buong mundo na nag-ugat sa iba’t ibang tradisyon ng mga Apostoles, ay nakikinabang sa pananampalataya at pagtitiwala nila kay Hesus. Ako, personal akong nagpapasalamat sa Diyos para sa handog na pananampalatayang unang ipinahayag ng mga Apostoles at partikular kay San Marcos na siyang unang-unang sumulat ng ebanghelyong pinakikinggan at pinagninilayan natin ngayon araw-araw o linggo-linggo, bilang indibidwal at bilang pamayanan, bilang Simbahan.  Nagtatapos ang ebanghelyo ni San Marcos sa napakagandang  imahe ng pagsama at pagpapatibay ni Hesus sa Simbahan at sa misyon nitong ipalaganap ang mabuting balita. Ipanalangin natin ang isa’t isa, tayong mga kasapi ng Simbahang ito, upang patuloy tayong manatiling tapat at matatag sa ating pagsunod kay Kristo Hesus. San Marcos, ebanghelista, ipanalangin mo kami.