Ebanghelyo: Mk 16:15-20
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
Pagninilay:
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebangheyo. Ngayon ay Kapistahan ni San Markos, isang ebanghelista. Ang kanyang tanda ay isang leon na may pakpak. Bakit nga ba leon na may pakpak ang kanyang tanda? Unang-una, ayon sa aklat ng Ezekiel at Pahayag, ito ay tanda ni Hesus na makapangyarihan at muling nabuhay. Pangalawa, kung babasahin at pag-aaralan ang ebanghelyo, nagsisimula ito sa pamamagitan ni Juan Bautista, na may dumadagundong na panawagan (like the roaring of a lion) na may pakpak (na tanda ng kapangyarihan at tagadala ng mabuting balita), “Ihanda ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas… Ipangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (cf. Mark 1:314). (Ang ebanghelyo ayon kay San Markos ay hindi tulad ng tatlong ebanghelyo na “tahimik” at may mahabang panimula pa. Ang kay San Marcos, wala nang pasikot-sikot, direct to the point. Kapansin-pansin din na hindi niya tinatawag si Hesus na Anak ng Tao, kundi Anak ng Diyos. Ito rin ang pinakamaikli sa lahat ng ebanghelyo.) Sino nga ba si San Markos? Hindi siya kasama sa labindalawang alagad ni Hesus. Gayunpaman, pinapaniwalaan na isa siya sa mga unang kristiyano; at ang tawag sa kanya ni San Pedro ay anak, dahil marahil, si San Pedro ang nagbinyag sa kanya. Kung kayat sabi sa unang sulat ni San Pedro, “Kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya” (1 Pedro 5:13-14). Dagdag pa dito, siya ang namuno upang maitayo ang simbahan sa Egipto. Mga kapatid, malaki ang ambag ni San Markos sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Ito ang umalingawngaw na mensahe ni San Pablo noong nakulong siya sa Roma. Sabi nga niya, “Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain” (2 Timothy 4,11). // Sa ating pagdiriwang ng kapistahan ni San Markos, sana tularan natin siya na ipahayag si Hesus sa salita at gawa. Ito din ang hamon ng ating Ebanghelyo ngayon, “Humayo kayo at ipahayag ang Mabuting Balita. Amen.