Ebanghelyo: Juan 21:1-1
Muling ibinunyag ni Hesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas, na tinaguriang kambal, Nathaniel, na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya, “Sasama kami sa ‘yo.” Lumabas sila at sumakay sa bangka, ngunit wala silang nahuli ng gabing ‘yon. Nang madaling-araw na, nakatayo si Hesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Hesus iyon. Tinatawag sila ni Hesus: “Mga bata, may kaunti kaya kayong makakain?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog ninyo sa may bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon sa dami ng isda. Kaya sinabi ng alagad na ‘yon na mahal ni Hesus, “Ang Panginoon s’ya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon ‘yon, nagsuot s’ya ng damit sapagkat hubad s’ya at saka tumalon sa lawa. Dumating naman ang iba pang mga alagad sakay ng bangka sapagkat hindi sila kalayuan mula sa pangpang kundi mga sandaang metro lamang. Hinila nila ang lambat ng mga isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Hesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: ‘Kayo ba’y sino?’ dahil alam nilang si Hesus iyon. Lumapit si Hesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito ang ikatlong pagpapahayag ni Hesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Pagninilay:
“Ihulog n’yo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Angkop na angkop ang ebanghelyo sa araw na ito ngayong ipinagdiriwang natin ang Taon ng Hubileo.
Tatlong letrang “P’ ang gabay natin sa pagninilay.
Ang unang “P” ay Pagsusugo. Matatandaan na minsang sinabi ng Panginoon sa kanyang mga alagad na gagawin n’ya silang mga mamamalakaya ng tao (fishers of men). Tayong mga Kristiyano naman ang inaatasan ngayon ng Panginoon na “manghuli” rin kung baga ng mga tao, upang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos o maging ka-pamilya ng Diyos. At sa ganitong gawain, isinusugo tayo ng Panginoon na ihulog ang lambat sa kung saan niya mamarapatin.
Ang ikalawang “P” ay Pag-asa. Sa pagsunod natin sa kanyang salita, tinitiyak ng Panginoon sa atin na makakahuli tayo – na magiging mabunga ang ating misyon. Ito ang ating pag-asa. Natitiyak natin ang katuparan ng ating pag-asa dahil ang totoo, hindi sa atin ang misyong ito – misyon ito ni Jesus at mga katuwang o kamanggagawa lang n’ya tayo. Ang ikatlong “P” ay Peregrino ng Pag-asa. Tayo ay mga manlalakbay na puno ng pag-asa dahil naranasan at napatunayan na natin na masaganang pagpapala ang bunga ng pagtitiwala at pagtupad natin sa utos ni Jesus. At dahil puno tayo ng pag-asa, nakapaghahatid din tayo ng pag-asa sa ibang tao saan man tayo mapunta. Sabi nga ng Santo Papa Francisco: “Dapat nating pagningasin ang apoy ng pag-asa na ibinigay sa atin, at tulungan natin ang bawat isa na magkamit ng bagong lakas at katiyakan sa pamamagitan ng pagtanaw sa hinaharap nang may bukas na diwa, mapagtiwalang puso at malawak na pananaw.”