Lukas kabanata dalawampu’t apat, talata labintatlo hanggang tatlumpu’t lima.
EBANGHELYO: Lucas 24:13-35
Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa Paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari doon nitong mga ilang araw?” “Ano?” “Tungkol kay Jesus na taga Nazaret. Sa Paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang Propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga Punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako sya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. … Hindi ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. … Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab an gating puso nang kinakausap niya tayo doon sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem… At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Pagdududa, iyan ang commonreactionna mapapansin natin sa lahat ng mga nakarinig na si Hesus nga’y muling nabuhay. Kahit na ang dalawang alagad na papuntang Emmaus, nagduda at nagulumihanan din. Isa lang ang dahilan kapag nagdududa tayo: hindi kasi natin lubos na naintindihan. Nagkatawang tao na siya, namatay para sa ating katubusan, Muling Nabuhay para sa panibagong pag-asa, pero, hindi pa din natin lubos maunawaan. Mga kapatid, sa tuwing nagdududa tayo at ‘di natin siya maunawaan, iisa lang ang ginagawa ng Diyos: muli niyang ipinaalala sa atin kung sino siya. Siya’y Diyos na lagi nating kapiling at lubos ang pagmamahal sa atin. Huwag na tayong magduda. Malugod nating tanggapin na napagtagumpayan na lahat ni Hesus ang kadiliman ng kamatayang kanyang inako alang-alang sa pagmamahal sa atin. Kaya ang marapat nating tugon, patuloy tayong manalig at sumampalataya sa Kanya. Amen.