EBANGHELYO: Jn 10:1-10
Sinabi ni Hesus “Talagang talaga sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at madarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bahay pinto at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap niya siyang naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig nya. Hinding hindi sila susunod sa dayuhan kundi tatakasan nila siya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan. Ito ang talinghagang sinabi sa kanila ni Hesus, ngunit hindi nila maintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Hesus “Talagang talaga sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa, magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan kung may pumapasok sa pamamagitan ko. Maliligtas sya at papasok at lalabas at makakatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay di dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Inihalintulad ni Hesus ang kanyang sarili bilang isang pintuan kung saan doon dumaraan ang mga tupa. Hindi maliligaw ang mga tupa dahil sanay sila kung saan ang daan at kilala nila ang tinig ng pastol, si Hesus. Mga kapatid, mahalaga sa buhay natin ang pagkilos ng Diyos. Walang lubos na pagkakilala sa Kanya kung walang malalim na relasyon sa Diyos. Panatilihin nating nakaugnay ang ating buhay sa Diyos. (Hindi matitinag ang relasyon ng dalawang tao kung ito ay dumaan sa mga pagsubok at nalampasan. Matatag ang relasyon kung matatag ang pagmamahalan. Hayaan nating sa ating pagtawag sa Diyos ay mabuo naman ang pag-asa at pag-ibig.) Tayo nawa ang magsilbing daan din para sa iba upang makilala at mahalin ang ating Panginoon. Harinawa, maging matatag tayo sa buhay pananampalataya.//
PANALANGIN
Panginoon, tunay kang pastol ng kawan. Patuloy Mo kaming inaalagaan, iniingatan. Ang pagtangis namin ay Iyo ding pagtangis. Ang ligaya namin ay Iyo ding ligaya. Gabayan Mo po kaming lagi sa landas ng buhay. Turuan kaming tahakin lagi ang tamang landasin upang hindi kami maligaw. Salamat sa lahat ng biyaya na aming tinatanggap araw-araw. Amen. Amen.