JUAN 14:1- 6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.’ At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. “At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, inaliw ng Panginoong Jesus ang Kanyang mga alagad, at tiniyak Niya sa kanila na Siya ang susi patungo sa Ama. Sinabi Niyang Siya ang Daan, Katotohanan at Buhay. Bilang Daan, itinuro Niya ang paraan ng kabanalan patungo sa Ama. Daan na punong-puno ng pagsubok pero nakapagpapalakas ng loob dahil lagi Siyang pumapatnubay. Bilang Katotohanan, punong-puno ng karunungan ng Diyos at makalangit na aral ang Kanyang Salita. Katotohanan na kailangan nating matutuhan at isabuhay. Bilang buhay, inialay Niya ang Kanyang sarili upang makamit natin ang buhay na walang hanggan. Inialok Niya ang Kanyang sarili bilang Tinapay ng buhay at Buhay na Tubig. Tiniyak pa Niyang ang Kanyang Katawan at Dugo, ang ating Kaligtasan. Kaya’t patatagin natin ang debosyon kay Jesus bilang ating Daan, Katotohanan at Buhay. Magagawa natin ito, sa patuloy na pagsisikap na magkaroon ng matibay na paninindigan sa moral na pagpapasya at pag-uugali. Ganoon din ang patuloy na pagkilala natin sa sarili at pagtuklas sa tunay na layunin ng Diyos sa paglikha sa atin: Sino ako? Bakit ako nilikha ng Diyos? Paano ko mapapabuti ang aking pakikitungo sa aking kapwa? At ang makaugaliang magbasa at isabuhay ang nilalaman ng Banal na Biblia. Isa ring mabisang paraan, ang debosyon sa Banal na Misa na nakapagbibigay-sigla sa ating kalooban at nagbibigay-buhay sa ating kaluluwa. Kung magagawa natin ito nang tapat, sisikaping itanim sa ating kalooban at maging bahagi ng ating buhay – mahuhubog sa atin si Jesus. Tayo rin, magiging daan, katotohanan at buhay para sa ating kapwa. Di ba’t kay ganda kung tayong lahat, tapat na magagampanan ang ating bokasyon na maging tagapamagitan sa isa’t isa tungo sa Diyos Ama? Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang makatugon ako sa hamon na maging daan, katotohanan at buhay sa mundo. Amen.