Daughters of Saint Paul

ABRIL 27, 2019 SABADO SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Marcos 16:9-15

Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”

 

PAGNINILAY:

May kuwento tungkol sa templong itinayo sa isang pulo. Kapag humahangin, maririnig ang napakagandang tunog ng may isang libong kampana na may iba’t ibang laki at hugis. Paglipas ng panahon, lumubog ang pulo sa dagat kasama ng mga kampana. Sinasabing patuloy pa ring maririnig ang mga ito. Nagkainteres ang isang binata at ilang linggong naupo sa dalampasigan at matiyagang nakinig. Pero, ang lagaslas lang ng dagat ang kanyang narinig. Naisip niyang tigilan na ang ginagawa at magpaalam na sa dagat. Humiga siya sa buhangin at sa unang pagkakataon, nakinig siya sa lagaslas ng alon. Waring napakalalim ang katahimikang dulot ng tunog ng alon. At may narinig siya! Ang kuliling ng isang kampanilya na sinundan pa ng isa, at isa pa, hanggang nagdupikal ng musika ang isang libong kampana at nakadama siya ng matinding ligaya.  Sa pagbasa, winika ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.” Sa kabila ng taglay nilang mga kakulangan at kahinaan, masigasig nilang naipalaganap ang mensahe ni Jesus hanggang sa atin sa kasalukuyan.  

 

PANALANGIN:

O Jesus, nawa’y  mapakinggan din namin sa katahimikan ang iyong tinig at  matupad ang atas mong maghatid ng Mabuting Balita sa aming mga kapatid, Amen.  -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.