Daughters of Saint Paul

ABRIL 28, 2019 LINGGO NG BANAL NA AWA NG PANGINOON

EBANGHELYO: Juan 20:19-31

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot naman siya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

 

PAGNINILAY:

May nabasa akong kuwento tungkol sa isang lalaking naglalakbay sa buong daigdig. Minsan, nag-uwi siya ng lorong nagsasalita ng maraming wika para pasalubong sa kanyang ina. Tinanong niya ito, “Nagustuhan po ba ninyo ang loro?” “Oo, napakasarap ng lasa!” “Ano?” Napasigaw ang lalaki. “Hindi siya kinakain!” Tumahimik sandali ang ina at nagwika, “E, bakit hindi siya nagsalita?”  Sa ebanghelyo, tuwirang ipinahayag ni Tomas ang kanyang pagdududa. Dahil dito, higit siyang nalinawan at tumatag ang pananampalataya.

 

PANALANGIN:

O Jesus, tulungan mo kaming higit na mapalalim at maisagawa ang tunay na kahulugan ng pagiging tagasunod mo, Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.