EBANGHELYO: Juan 6:30-35
Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upang pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.” “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Bro. Jay-Pee Pena ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Ano ang kaya mong gawin?” Tanong ng mga tao kay Hesus. Nang minsang nakipag-usap ako sa isang madre para sa counselling, sinabi ko sa kanya na nagalit ako sa Diyos at kinuwestyon ko siya noong namatay ang aking nanay. Pero sa aking pananalangin, naramdaman ko ang aking kalapastanganan at nagalit ako sa aking sarili. Inisip ko na sesermunan ako ng madre, sabi niya natural lamang na magtanong at magalit sa Diyos sa mga panahong down na downtayo–senyales ito may malalim tayong pakikipag-ugnayan sa Diyos. Nagulat ako sa sagot na ito ng madre. Mga kapatid, sa ating mga tanong at pagdududa sa Diyos, siguradong may sagot siya. Kailangan lamang nating manahimik, at buksan ang ating puso at isipan sa kung ano ang ipinahihiwatig sa atin ng Panginoon./ Minsan, may mga dinarasal tayo na akala natin, hindi dinidinig. Madalas mas marunong pa tayo sa Diyos; kapag nanalangin tayo, kailangang matupad agad. Hindi ito ang itinuturo sa atin ng Panginoon. Minsan, ginagawa nating diyos ang ating mga sarili at pinapasunod natin sa atin ang Diyos; hindi na tayo humihiling, nag-uutos na tayo. Pero, bago pa natin hingin sa Diyos, alam na niya ang ating mga pangangailangan. Kaya nang sabihin ng mga tao sa kanya na, “Sir, give us this bread always.” Malinaw ang kanyang tugon: “I am the bread of life; whoever comes to me will never hunger, and whoever believes in me will never thirst.”/ Mga kapatid, sikapin nating magkaroon ng malalim na pakikipag-ugnayan sa ating Panginoon. Lumapit tayo sa kanya bitbit ang laman ng ating mga puso at siguradong makikinig siya. Amen.