Daughters of Saint Paul

Abril 28, 2024 – Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (B) 

Ebanghelyo: Jn 15:1-8

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. “Malinis na kayo dahil sa wikang bingkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. “Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. “Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobim at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyong ating narinig, tinukoy ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na puno ng ubas. Sinabi Niya, “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka.” Ayon kay Hesus, matamis at sagana ang Kanyang bunga at tayo ang Kanyang mga sanga. Mga kapatid, habang patuloy tayong nagninilay sa Muling Pagkabuhay ni Hesu-Kristo, inaanyayahan tayo ni Hesus na manatili sa Kanyang piling.  Sa ganitong paraan, tataglayin natin ang matamis at saganang buhay sa piling ng Espiritu Santo.  Kailangan lamang tayong manatili kay Hesus dahil kung hiwalay tayo sa Kanya, mamumuhay tayong walang-sigla, malungkot, madaling mawalan ng pag-asa, at puro negatibong pananaw at pananalita ang mananaig sa atin.  At kapag nasa ganito tayong sitwasyon, magiging mabigat ang buhay at nawawalan ng saysay ang ating pag-iral sa mundo. Ito marahil ang isa sa mga dahilan ng mga taong nauuwi sa depression at nawawalan na ng ganang mabuhay.  Kaya pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na kung nagnanais tayong mabuhay nang ganap, kasiya-siya at tunay na may kapayapaan ang puso’t isip, manatili tayo sa Panginoong Hesus. Maglaan tayo ng panahong makipag-usap sa Kanya sa isang taimtim na panalangin. Siya ang bukal ng ating buhay, ang ating pinagmulan at ang ating uuwian pagkatapos ng maikling buhay na pinahiram Niya sa atin sa mundo. Hilingin nating manatili sa Kanyang piling hanggang sa katapusan ng ating buhay. Amen.