Ebanghelyo: Juan 3,1-8
May isang lalaking kabilang sa mga Pariseo, Nicodemo ang pangalan niya; pinuno siya ng mga Judio. Isang gabi, pinuntahan niya si Hesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na Guro ka galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang ginagawa mo, kung hindi sumasakanya ang Diyos.” Sumagot sa kanya si Hesus: Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda? Di ba’t hindi s’ya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang muli? Sumagot si Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakapasok sa Kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at Espiritu ang isinilang mula sa Espiritu. Huwag kang magtaka dahil sa sinabi ko sa ‘yong kailangan kayong isilang mula sa itaas. “Umiihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”
Pagninilay:
Tubig at Espiritu Santo. Bago pa man magsimula ang buhay ng kalawakan at lupa, magka-ugnay na ang Hininga ng Diyos at ang tubig. Ayon sa aklat ng Genesis, “Ang Espiritu ng Diyos ay umaaligid sa ibabaw ng tubig.” Ang hininga ng Diyos ang nagbigay ng buhay at kaayusan sa tubig. Sa Sakramento ng Binyag, matapos tayong manambitan sa Espiritu Santo, nagiging mabisang tanda ng panibagong-buhay ang tubig. Ang Espiritung nagbibigay-buhay sa tubig na ibinubuhos sa atin ay tanda ng pagsilang natin sa sagradong buhay. Binabahaginan tayo ng kakayanang tumanggap sa biyaya ng Buhay ng Diyos at ng Kanyang kabalanalan. Hindi lang Siya ang banayad na panauhin ng ating kaluluwa, tulad ng sinabi ni San Agustin. Kundi pinapaging-templo tayo ng Kanyang Banal na Hininga. Happiness overload ito para sa atin. Mahiwagang handog na dapat nating ingatan. Kaya on our part, may role tayo na laging maging aware sa biyaya ng Espiritu sa atin. Samantalang pinabanal ng Hininga ng Diyos ang tubig na humugas sa ating nakagisnang kasalanan mula sa ating unang magulang, duty rin natin na makiisa tayo na maging malinis ang ating kalooban everyday. Magagawa natin ito sa pagiging matibay ang loob na paglabanan ang mga tukso, pagiging matatag na umiwas na magkasala, at magkumpisal ng regular. Sino’ng hindi mahihiya na mabahiran ng putik ang Banal na Hininga ng Diyos na nasa atin? May guts ka bang iharap sa Diyos ang pino-pollute nating templo dahil sa ating kasalanan?