Daughters of Saint Paul

ABRIL 29, 2019 LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: Juan 3:1-8

May isang kabilang sa mga Pariseo, at pinuno siya ng mga Judio; Nicodemo ang pangalan niya. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at nakipag-usap sa kanya: “Rabbi, Guro, alam namin na ikaw ay gurong galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang gaya ng ginagawa mo, kung hindi sumasakanya ang Diyos.” Sumagot si Jesus sa kanya: Talgang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Puwede bang isilang ang tao kung matanda na siya? Makapapasok pa ba siya uli sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang? Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakapasok sa Kaharian ng Diyos kung hindi siya isinilang mula sa tubig at Espiritu. Ang isinilang mula sa laman ay laman, at ang isinilang mula sa Espiritu ay espiritu. Huwag kayong magtaka dahil sinasabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas. “Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung san papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.”

 

PAGNINILAY:

Winika ni Martin Luther King, Jr.  “Hindi maitataboy ng kadiliman ang dilim. Ang liwanag lang ang makagagawa niyon. Hindi maitataboy ng pagkamuhi ang galit. Ang pagmamahal lang ang tanging makagagawa niyon.”Sa ebanghelyo ngayon, nakilala natin si Nicodemo na kahit isang Pariseo at pinuno ng mga Judio ay naghangad pa ring lubos na maintindihan ang mga aral at turo ni Kristo. At hindi siya nabigo dahil bunsod ng pagmamahal ni Jesus sa lahat ay kinausap siya at malinaw naipinahayag: “Walang makakapasok sa Kaharian ng Diyos kung hindi siya isinilang mula sa tubig at Espiritu.” Sa binyag o sakramento ng muling pagkabuhay, nalilinis ang ating orihinal at personal na mga kasalanan at napag-iisa tayo kay Kristo.  

 

PANALANGIN:

O Jesus, tulungan mo kaming mamuhay ayon sa Espiritung nananahan sa amin hanggang makasapit sa iyong kaharian, Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.