Daughters of Saint Paul

ABRIL 29, 2021 – HUWEBES SA IKA-4 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 13:16-20

Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito. Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga kapag ito ay nangyari. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master (PDDM) ang pagninilay sa ebanghelyo. Gaano ka ka-close kay Hesus?  Nakikita ba sa’yo si Hesus ng mga taong iyong nakakasalamuha?  Sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ni San Juan na siya at ang kanyang Ama sa langit ay iisa (Jn 10:30).  Ngayon naman, sinasabi nya na  siya at ikaw o ako ay iisa bilang sugo niya: “Ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin, wika ni Hesus.” Ganito nga ba ang relasyon mo o pakikipag-ugnayan sa ating Panginoon?  Kahit na tayo’y nasa panahon ng Easter, ibinalik tayo ng ebanghelyo sa tagpo ng huling hapunan kung saan kasama ni Hesus ang kanyang mga alagad.  Sa tagpong ito, mas binigyang diin ng Panginoon ang paghuhugas ng paa ng kanyang mga alagad. Ito ay isang pagsasalarawan hindi lamang ng pagpapakumbaba, kundi isang halimbawa kung ano ang nararapat mong gawin sa iyong kapwa. Hinugasan ni Hesus pati ang paa ni Hudas kahit na alam niya na ito ay magtataksil sa kanya. Ang paglilingkod ay walang pinipili at ang kagandahang loob ng Diyos ay para sa lahat. Kung malapit ka nga kay Hesus, mamahalin mo rin ang kanyang mga minamahal, at gagawin mo ang mga halimbawang ipinakita niya sa iyo. Hindi nga ba’t sinabi nya rin na ano man ang ginawa mo sa kapwa mo, ay ginawa mo rin sa akin?  Ipinakita ni Hesus kung sino ang kanyang Ama sa kanyang mga gawa at salita.  Mga kapatid, nakikita rin ba sa ating mga salita at gawa kung sino si Hesus?  Nakikita ba sa ating mga kilos na tayo’y malapit sa Diyos at Kanyang sugo?  Gaano ka nga ba ka-close kay Hesus?