JUAN 20:11-18
Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama'y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n'yo sa akin kung saan n'yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: 'Paakyat ako sa Ama ko at Ama n'yo, sa Diyos ko at Diyos n'yo.'” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”
PAGNINILAY:
Nang yumao ang aking Nanay, sinabi ng paring Heswitáng nagmisa, na ngayoý naibalik na ang lubos na kagandahan at kalusugan ng kanyang katawan gaya noong kanyang kabataan. Wala nang sakit, hindi na siya bulag, at malaya na sa mga naging bigat at pasanin sa kanyang buhay. Hanggang ngayon, nagpapagaan sa aking loob ang isiping ito kahit hindi pa rin talaga nawawala ang lungkot sa pagkawalay sa kanya. Tiyak, may pagbabago ring naganap sa katawang-lupa ni Jesus sa kanyang muling pagkabuhay kaya hindi siya agad nakilala ni Maria Magdalena. May kakaiba’t natatanging kinang, gaan, ganda at kadalisayan. (Bigla kong naalala ang transpormasyong naganap sa mukha ni Moises nang una niyang masilayan ang Diyos.) Pero, sa isang tawag lang niyang “Maria,” napalitan ang dalamhati ni Maria Magdalena nang matinding galak. At nang utusan siya ni Jesus na “Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila, ‘Paakyat ako sa Ama ko at sa Ama ’nyo‘, sa Diyos ko at Diyos ’nyo” masasabi nating parang lumilipad sa hangin ang mga paa ni Maria Magdalena para maihatid ang mensahe ni Jesus sa iba pang mga alagad. Tunay ngang, ang mabuting bagay, lagi nang ibinabahagi sa iba. Hindi ito maaaring sarilinin at kuyumin lamang sa dibdib. (Manalangin tayo. Jesus, loobin mong huwag kaming magbingi-bingihan sa walang sawa mong pagtawag sa aming mga pangalan. At sa hiwaga ng iyong muling pagkabuhay, magawa rin naming mapagbuti ang mga sarili upang maging karapatdapat sa taguri mong “aking kapatid.” Amen.)