EBANGHELYO: Juan 10:31-42
Dumampot ng mga bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit n’yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: ‘Aking sinabi,” mga Diyos kayo”? Kaya tinatawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n’yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Jesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang naniwala sa kanya.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul, ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ayon sa Reception Theory ni Stuart Hall, may tatlong reaksyon ang tumatanggap ng mensahe. Una, pagsang-ayon. Nangyayari ito kung malinaw na naunawaan ng tumanggap ang pahayag at naramdaman niyang mahalaga ito sa kanyang buhay. Pangalawa, pagsang-ayon sa ilang aspeto lamang dahil meron din syang sariling opinion tungkol dito. At ang pangatlo, pagsalungat dahil di ito naaayon sa kanyang paniniwala at pagpapahalaga o kaya naman, dahil di nya ito naunawaan. Mga kapanalig, ito marahil pangatlo ang dahilan kung bakit gustong batuhin si Hesus ng mga Hudyo sa kabila ng mga ginawa nyang kabutihan. Akala nila nagpapanggap na Diyos si Jesus at malaking kalapastangan ito. Hindi nila maunawaan kung paanong ang Diyos Ama ay nasa kay Jesus, at si Jesus ay nasa Ama. Hingin natin sa Diyos ang isang malalim na pananampalataya na kayang sumunod, kahit di lubusang nauunawan ang kanyang mensahe.