Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng ating pananampalataya na nagbigay daan para malampasan ang mga pagsubok sa buhay. Nagbibiay sa atin ng gabay at inspirasyon ang Salita ng Diyos. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Ihanda natin ang ating sarili sa pakikinig ng Mabuting Balita ngayon.
Ebanghelyo: Juan 8: 1-11
Pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Jesus: “Guro, huling-huli ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maisakdal sila laban sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya’y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”
Pagninilay:
Isa lamang ang totoong may karapatan na bumato sa babaeng nahuling nakikiapid. Walang iba kundi si Jesus. Sa lahat ng mga taongnaroon, tanging si Jesus lamang ang walangkasalanan. Ngunit hindi siya dumampot ng bato at hindi niya piniling parusahan ang babae. Hindi siya kumagat sa patibong ng mga eskriba at Pariseo. Ginamit nila ang kawawang babae para siluin si Jesus. Nakasalalay sa kanilang argumento ang utos ni Moises na batuhin ang sinumang nahuli sa pakikiapid. Kung sasang-ayon dito si Jesus at ipag-utos niyang batuhin ang babae, madidismaya ang taumbayan nakilala si Jesus na isang mabuting tao na hindi marunong manakit. Gayon din naman, maaaring magka-problema si Jesus sa mga Romano na tanging may karapatan na magpataw ng utos ng pagpatay sa mga bumabali sa batas. Sa kabilang banda, kung tahasang sasabihin ni Jesus na huwag batuhin ang babae, aakusahan siya ng mga Judio na sumisira sa utos na ibinigay ni Moises. Alam ni Jesus na hindi totoong naghahanap ng katotohanan ang mga eskriba at Pariseo. Ang pinupuntirya nila ay mismong si Jesus at hindi ang babaeng nagkasala. Yumuko si Jesus sa lupa at nagsulat. Ito ang paraan niya para sabihing ayaw niya maging bahagi ng moro-morong ito. At nang kinulit siya ng mga lider pang relihiyon, sinabi niya sa kanilang batuhin ang babae kung sino man sa kanila ang walang kasalanan. Sa muling pagsulat ni Jesus sa lupa, isa-isang umalis ang mga tao, mula sa nakatatanda hanggang sa pinaka-bata. Nagngingitngit ba tayo sa galit dahil sa kasalanan ng atingkapwa? Kaya banatin silang palayain sa kanilang pagkakasala upang tulad ni Jesus mabigyan natin sila ng bagong pagkakataon?