Ebanghelyo: Lk 24:13-35
Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sa lahat ng kwento ng Resurrection, ang kwento ng dalawang alagad sa daan patungong Emaus ang paborito ko. Para kasing nakikipaglaro si Hesus ng hide and seek sa kanila. Malungkot silang naglalakad nang lumapit si Hesus, pero hindi nila siya nakilala. Ipinaliwanag niya sa kanila ang Banal na Kasulatan tungkol sa kanya, pero wala pa rin. Di pa rin nila gets. Noong makarating sila sa pupuntahan, inanyayahan nila si Hesus na “Tumuloy ka muna rito sa amin.” Kaya’t nagpaunlak si Hesus. Nabuksan lang ang kanilang mga mata noong kumakain na sila – pero bigla namang naglaho si Hesus! Kapatid, nagpapakita sa atin si Hesus kung kailan hindi inaasahan. Kahit hindi natin siya nakikilala, kasama natin siya; ginagabayan niya tayo at itinuturo niya ang tamang daan. Katulad nitong lumang Icon of Christ and his Friend, yakap ng kanyang kanang kamay ang kanyang kaibigan. Gaano man kagulo o kalungkot ng buhay, laging may pag-asa. Kahit hindi natin naiintindihan kung ano ang nangyayari, pwede tayong magtiwala na may plano ang Diyos para sa atin. Mahal tayo ni Hesus at kasama natin siya sa bawat hakbang ng ating buhay.
Panalangin
Panginoon, tulungan mo kaming makilala kang lagi upang mamuhay kami nang may saya at pag-asa. Amen.