Ebanghelyo: Juan 5:31-47
Sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga s’yang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang pangalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad ninyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung pinaniniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”
Pagninilay:
Paano kayo makasasampalataya, kayong naghahanap ng kapurihan sa isa’t isa at hindi ang kapurihang nanggagaling sa Diyos (v. 44)? Kapanalig, malalim ang kahulugan ng tanong na ito ni Jesus. Sino ba sa atin ang hindi natutuwa kapag pinupuri? Hindi ba lumalaki ang ating tenga at tumataba ang ating puso kapag napupuri tayo? Tumataas ang pagtingin natin sa sarili at lalo tayong na-iinspire sa ating gawain. Masama ba ito? Hindi! Pero hindi ito dapat ang layunin natin sa paggawa. May mga taong kapag pinuri mo, pupurihin ka rin. Pero kapag pinuna mo ang mali niya, humanda ka na sa giyera. Kapanalig, hindi naghahangad si Jesus ng papuri. Kasi alam niyang naaayon sa kalooban ng Ama ang lahat ng ginagawa niya. Hindi nya kailangan ng magpapatotoo sa kanyang mga gawa dahil sumasakanya ang Ama. Kailangang maglatag ng mga ebidensya at mga testigo ang taong nasasakdal na magpapatotoo sa kanyang mga salaysay. Sa ating Mabuting Balita ngayon, parang nasasakdal si Jesus na kailangan pang magbigay ng patunay upang sumampalataya ang mga tao. Kapanalig, sa ayaw sumampalataya balewala kahit gumawa pa si Jesus ng himala. Ikaw, kapanalig, kaninong papuri ang higit mong ninanais? Papuri ba ng mga tao dito sa lupa kaya kailangan ng media coverage sa bawat kabutihang gagawin mo sa kapwa? Kaya ba kailangang naka-upload sa social media ang inyong outreach program? Alam ng Diyos ang tunay na laman ng ating puso. Kaya walang tatalo sa papuri na ibibigay ng Diyos sa mga taong kalugod-lugod sa Kanya. Ang gantimpalang ibibigay niya ay buhay na walang hanggan sa Kanyang piling.