Daughters of Saint Paul

ABRIL 30, 2019 MARTES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: Juan 3:7-15

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan n’yong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” Sumagot si Nicodemo sa kanya: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi ni Jesus sa kanya: “Guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa n’yo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”

PAGNINILAY:

Bakit nag-aantanda ang mga Katoliko? Ayon kay Monsignor Sabino Vengco, “Ang tanda ng krus ay ginagawa natin sa noo, dibdib at mga balikat o ang tatlong maliliit sa krus sa noo, sa bibig at sa dibdib ay pagpapahayag ng pananampalatayang ito.” Ang pagbakas sa tanda ng krus ay sinasabayan natin ng panawagan “Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.” Sinasabing ginagamit ang kanang kamay bilang simbolo ng proteksyon, pagtulong, pagkalinga at paggabay ng Diyos; sa noo dahil simbolo ng karunungan sa  pag-aaral ng mga kautusan; sa dibdib bilang tanda ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa; at sa dalawang balikat bilang simbolo ng paglilingkod at pagsunod kay Jesus sa daan ng krus.  Sa pagpapatuloy ng pag-uusap nina Jesus at Nicodemo, nilinaw ni Jesus na nagaganap ang lahat ng plano ng Diyos sa ating buhay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sinabi rin niya, “Walang umakyat sa langit maliban na bumaba mula sa langit ang Anak ng Tao.”  

 

PANALANGIN:

O Jesus, palalimin mo ang aming pananampalataya para lubusang makapaglingkod sa iyo ng may dalisay na puso at isip, Amen.-Dr.Lilia Antonio, Ph.D.