Daughters of Saint Paul

ABRIL 30, 2022 – SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Isang maligayang araw ng Sabado mga kapatid/ kapanalig! Dakilain natin ang Diyos sa mga biyayang ipinagkakaloob NIya sa atin. Pasalamatan atin Siya sa Pananampalatayang ipinagkaloob NIya sa atin. Nagbibigay ito sa atin ng panibagong lakas at katatagan sa pagharap sa mga unos at hamon na dumarating sa ating buhay. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan ang puso at diwa sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 6: 16-21

Lumusong ang mga alagad ni Jesus sa aplaya. At pagkasakay sa bangka ay nagpunta sa kabilang ibayo ng lawa tungo sa Capernaum. Dumilim na at wala pa si Jesus: at nagising ang lawa dahil sa malakas ang ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi naman niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Kaya gusto nila siyang isakay sa bangka, ngunit ang bangka ay bigla nang nasa pampang na patutunguhan nila.

Pagninilay:

Minsan po akong sukay sa isang fast craft from Cebu papuntang Bohol para sa isang outing. Aba e nung nasa kalagitnaan na po ng biyahe malakas ang mga alon. Ramdam po ng aking kalamnan ang alon, at galit ng dagat. Pero naalala ko po noong kami’y kinder pa, may itinuro sa aming kanta: “With Christ in my vessel, I can Smile at the storm, smile at the storm, Sailing, sailing home. With Christ in my vessel, I can smile at the storm until he guides me home. Padasal dasal, hindi mapakali, kumanta—itinulog ko nalamang ang aking takot. Nakakatuwa dahil makalipas ang mga taon, ngayon ko lubusang na-appreciate ang munting kantang ito. Sa ating ebanghelyo ngayong araw, natakot ang mga disipulo ni Hesus sa bagyo sa gitna ng laot. Sino ba naman ang hindi matatakot? Ngunit, nagpakita sa kanila si Hesus. Ang sabi ay “Ako ito, Huwag kayong makatakot.” Kung icoconvert po sa bagyo sa gitna ng dagat ang mga suliranin at problema natin sa buhay, sino nga ba ang hindi yayanigin? Lahat po tayo ay mistulang nasa isang bangka inaalon-alon, niyuyog-yog ng mga realidad ng buhay. Pinapaalala sa atin ngayon na sa mga pagkakatong ito, nariyan lamang ang Diyos, nakatayo, kinukumbinsi tayong huwag matakot. Marapat lamang na buksan natin ang ating mata at kumbinsihin ang sarili na tanaw natin ang Diyos anumang hampas at bagyong dala ng realidad ng buhay. Napagtagumpayan na ng Diyos ang Kamataya’t kasalanan, ano pa ba ang hindi natin kakayanin, kung lagi siyang nasa puso natin? Ngiti na kapatid, kasama natin ang Diyos. Hindi tayo matatakot. Amen.