Daughters of Saint Paul

Abril 30, 2024 – Martes sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 14:27-31a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minhal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama. “Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”

Pagninilay:

Isinulat ni Cl. Eugene Leano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Payapa ka ba? Maaaring hindi. Maaaring punong-puno ang isip mo ng mga kailangan mong gawin, o di kaya ng mga alalahanin, o di kaya naman ng mga problema. Normal po ito. Sa ebanghelyo natin ngayong araw, sinabi ni Kristo na tayo’y binibigyan niya ng kapayapaan; pero sinabi rin niya na ang kapayapaang binibigay niya, ay iba sa kapayapaang binibigay ng mundo. Ano ba yung kapayapaang binibigay ng mundo? Ito yung kadalasang iniisip natin na ibig sabihin ng kapayapaan – yung para kang nakabakasyon, walang iniintindi at walang iniisip, nakahanda na ang kakainin, at kakain ka na lang. Hindi na kailangang isipin ang mga bayarin at kung anupaman. Yan ang kapayapaan ng mundo. Pero hindi iyan ang kapayapaang kaloob ni Kristo. Ang kapayapaang kaloob niya, yung kapanatagan ng puso at isip, kahit na puno tayo ng problema at alalahanin. Ang kapayapaang kaloob ni Kristo, yung kapayapaang dulot ng ating pagtitiwala na kasama natin ang Diyos, at anuman ang pinagdadaanan natin, mapagtatagumpayan natin ito sa huli, kung kasama natin siya. Kaya nga, pinapa alalahanan tayo ng ating ebanghelyo ngayon, na huwag tayong matakot o mabalisa. I-correct din natin ang maling pag-iisip, na kung tayo’y madasalin at panay ang lapit sa Diyos, hindi na tayo magkaka problema at magiging komportable na ang buhay natin. Dahil ang mga problema at suliranin sa buhay ay nandidyan at hindi maiiwasan habang tayo’y nabubuhay. Pero, kayang-kaya natin itong harapin at malagpasan kung kasama natin ang Panginoong Hesukristo, na siyang bukal ng ating buhay at tunay na kapayapaan. Amen.