Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniniwala sa kanya; magkakaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag subalit higit pang minamahal ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”
Pagninilay:
Nalalapit na ang midterm elections dito sa ating bansa sa darating na ika 12 ng Mayo 2025. Ang madalas kong naririnig ay huwag na tayong pabudol muli. Bakit po kaya? Tayo po ba talaga ay nalinlang o nabudol? Umiiral ba talaga ang kampon ng kasamaan at kadiliman? Sana huwag tayong mawalan ng pag-asa. Bumoto po tayo ng mga taong makagagawa ng magandang mga batas para sa ating tunay na pag-unlad.
Mga kapatid/ mga kapanalig, crucial po ang halalan sa Mayo. Bakit po? Dahil nakasalalay po sa desisyon natin ang kinabukasan ng buong bansa. Mahalaga na pumili tayo ng mga taong matalino, may kakayahang lumikha ng mga panukalang batas, at sumusunod sa Diyos. Sila ang mga taong bibigyan natin ng kapangyarihan na magpasunod ng mga batas at mga patakaran na magtataguyod sa kapakanan ng mga tao, sa paglago ng ekonomiya, at pangangalaga sa demokrasya. Magsisilbi silang proteksyon natin bilang isang matatag na bansa. Narinig natin sa pagbasa, “Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.” Kilatisin at suriin po natin ang mga ihahalal natin kung tunay silang gumagawa ng mabuti at sumusunod sa Diyos.
Huwag nating sayangin ang dakilang pag-ibig ng Diyos na “nagbigay ng kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Bagkus, maging gabay nawa natin ito sa ating mga desisyon at mga gawain. Amen.