Daughters of Saint Paul

ABRIL 4, 2018 MIYERKULES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

LUCAS 24:13-35

Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.

PAGNINILAY:

Sinasabi na habang lumalalim ang pagkakilala mo sa isang tao, lalong tumitindi ang pagmamahal mo sa kanya dahil mas nauunawaan mo kung bakit niya nasasabi o nagagawa ang mga bagay-bagay. Sa Ebanghelyong narinig natin, lalong naging lantad  ang mga katangi-tanging ugali  ni Jesus.  Mga ugaling lalong naglalapit sa atin sa kanya at  maaari din nating gawing modelo sa pakikiugnay sa iba bilang kapatid at/o kaibigan.   Una, lubos na pagkalinga at pagmamahal sa kanyang mga nagdurusang alagad.  Kaya nga sumabay Siya hanggang muling mag-alab ang kanilang mga puso. (Alam niyang halu-halo ang negatibong damdaming nadarama ng mga ito kaya nga nagpasiya nang bumalik sa kanilang nayon: lungkot at pagkabigo sa kanyang pagkamatay; takot sa posibleng gawin sa kanila ng mga sundalo at mga Punong-pari; at pagkalito sa kung ano ang mangyayari sa kanilang mga buhay ngayon.) At umalis lamang si Jesus nang matiyak niyang nagbalik na ang sigla at tapang ng   kanilang mga loob  at magpasiyang ipagpatuloy ang kanilang misyon.  Ikalawa, kababaang-loob at paggalang sa pasiya ng mga alagad kung patuloy na makikisama sa kanya o hindi na.  (Hindi siya agad-agad pumasok sa bahay ng mga ito, sa halip, “Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya sa paglakad. Pero pinilit nila siya.”  Hanggang sa sandaling iyon, nasa mga alagad pa rin ang kalayaan sa pagpapasiya  kung patuloy na makikisama sa kanya o hindi na.)  Ikatlo, tiyaga sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ayon sa kasulatan at pahayag ng mga propeta.  At Ikaapat, malinaw niyang ipinakilala ang sarili sa paghahati at pagbabahagi ng tinapay.  O, Jesus, loobin mong matulad kami sa iyo sa pagmamahal at pakikitungo sa aming kapwa, Amen.