EBANGHELYO: Jn 20:1-9
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Sebastian Marfilgadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Pamilyar ka ba sa mga action films kung saan ang eksena ay halos bugbog sarado o kaya akala natin namatay na ang bida sa pelikula sa kamay ng kanyang mga kalaban, pero sa bandang huli siya ay buhay at natalo niya ang kanyang mga kalaban?// Ito ang naging eksena ng muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Inakala ng mga alagad niya na talo na siya dahil namatay na siya sa krus. Pero ipinapakita sa atin ngayon ng ating Panginoong Hesukristo/ na totoo ngang tinalo niya ang kamandag ng kamatayan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus. Ang kanyang muling pagkabuhay ang naging tanda ng kanyang tagumpay sa laban na ito.// (Isang malaking tukso ng demonyo na alisin ang nakatanim na pag-asa sa ating puso’t isipan. Tinutukso niya tayo sa pamamagitan ng ating mga problema na huwag paniwalaan ang pagkabuhay ni Hesus. Isa lamang ang nais mangyari ng demonyo, ang ilayo tayo sa piling ng Diyos. Sa kabilang banda, maituturing na isang kabalintunaan ang mensahe ng muling pagkabuhay ni Hesus kung hinaharap natin ang mga pagsubok sa buhay sa pamamagitan ng pagkimkim ng sama ng loob at paninisi kung kani-kanino. Marapat na isipin na sa bawat pagsubok na dumarating, huwag nating sabihin sa sarili: “Wala na, Talo na!” Panghawakan natin ang mga pangako ng muling pagkabuhay ni Hesus. Dahil sa muling pagkabuhay ang mga dating duwag at masigasig na taga-usig ni Hesus ay naging mga tapat na tagahatid ng Mabuting Balita. Ang mga nawawalan ng pag asa ay muling kumakapit at lumalaban. Ang mga makasalanan ay nagninilay at nagbabalik-loob. Ang tila wala na o tapos na ay muling sumisibol at nagbubukang liwayway. Tiyak mararanasan din natin ito kung tayo’y magiging tapat tulad ni Kristong muling nabuhay. Oo, wala na!) Tinalo na ni Hesus ang kamatayan! Wala nang pagsubok ang di kayang malampasan basta’t kasama mo si Hesus. Kapatid,kaisa tayo sa kanyang Muling Pagkabuhay!
PANALANGIN
Panginoon, maraming salamat po sa ‘Yong Muling Pagkabuhay. Dahil dito nagkaroon kami ng pag-asang magpatuloy sa buhay sa kabila ng mga pagsubok. Turuan Mo po kaming magbigay pag-asa sa mga taong nalulungkot. Naway pagkatapos ng buhay namin dito sa mundo, makabahagi kami sa tagumpay nang Iyong Muling Pagkabuhay. Amen.