Ebanghelyo: Lk 24:35-48
Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”
Pagninilay:
Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Happy Easter po sa inyong lahat. Tayo pa rin ay nasa Octave ng Easter, ibig sabihin ineextend ang ating celebration ng walong araw, matapos ang araw ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesus. Ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesus ay maituturing na kakaiba. Bakit? Dahil hindi ito tulad ng mga taong muli niyang binuhay mula sa kamatayan. Tulad na lamang halimbawa ng babaeng anak ni Jairo, o yung anak ng balo na mula sa bayan ng Nain, o ng pinakamamahal ni Hesus na si Lazaro. Sinasabi na ang muling Pagkabuhay ni Hesus ay hindi lamang mula sa kamatayan, kundi siya rin ay ini-angat muli sa kaluwalhatian ng Ama, kung saan siya tunay na nagmula. Kaya nga’t kung mapapansin natin ang mga tagpo, matapos ang kanyang muling pagkabuhay…hindi nila agad nakikilala si Hesus. Hindi din naman dinescribe bakit? Puting-puti ba sya o nagniningning. Pero, ang mas importanteng dapat nating malaman, nakilala siyang muli ng mga disipulo niya dahil sa kanyang mga gawa—hinati niya ang tinapay, kumakain kasama nila, nagtuturo ng salita ng Diyos. Mga kapatid, ang nangyari sa ating Panginoon sa kanyang muling pagkabuhay ay isang paanyaya din sa atin. Sana isipin natin na sa huling araw, hindi lang tayo ibabangon sa kamatayan, tayo man di’y sasama, kabilang sa luwalhati ng Diyos.