Daughters of Saint Paul

Abril 4, 2025 – Biyernes | Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 7:1-2, 10, 25-30      

Naglibot si Hesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng mga kapatid sa piyesta, siya man ay umahon din pero palihim at hindi lantad. Kaya pinagsasabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo at lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Totoo kayang alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Hesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Sinugo ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko naman siya sapagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.” Pinagtatangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras. 

Pagninilay:

Kailan ka huling pinigilan dahil hawak mo ang Katotohanan? Kailan ka hindi isinali dahil delikado ang dala mong patunay? Tinutugis ka para ma-cancel ka sa kanilang harapan. Hindi nalalayo ang planong i-cancel ng mga Hudyo ang ating Hesus Maestro dahil akala nila manlilinlang Siya. Dapat daw walang nakakaalam kung saan nagmula ang Mesiyas, eh alam nila ang family background ng Hesus Maestro. Kaya dapat, i-cancel! Maraming Kabataan ngayon ang biktima ng cancel culture. Sila ang mga Kabataang may paninindigan sa larangan ng pananampalaya, ng moral values. Ano ang kapalit?  Panghihiya at paninira ng reputasyon sa social media. Bina-block din ang kanilang account dahil itinuturing silang offensive. Truth hurts. Ito ang reality. Kaya naman dahil sa poot, “social murder” ang solusyon. Nakakalungkot, di ba? Ayon nga kay Sr. Nancy Usselman, FSP, sa kanyang librong Media Fasting, “Authentic truth builds. It never destroys.“ Naka-ugat ito sa misteryo ng pagpapakasakit at kamatayan ng ating Hesus Maestro. Walang kamandag ang cancelling strategy kung hawak natin ang katotohanan. Katulad ng aming Founder, na si Blessed James Alberione, na ipinagdiriwang ngayon ang araw ng kanyang kapanganakan. Hinirang siya ng Diyos na ipalaganap ang Katotohanan sa pamamagitan ng media. Marami ring nagtangka na i-cancel siya at ang mga bunga ng mga gawa niya noong nabubuhay pa siya. Pero, nanindigan siya sa kanyang bokasyon. Kaya, hamunin man tayo ng cancel culture o social murder, ano’ng dapat ikatakot?  Di ba, walang kamatayan ang katotohanan?