Daughters of Saint Paul

Abril 5, 2017 MIYERKULES sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma / San Vicente Ferrer

 

Dn 3:14-20, 91-92, 95 – Dn 3 – Jn 8:31-42

Jn 8:31-42

Sinabi ni Jesus sa mga Judiong naniwala sa kanya:  “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.”

            Sumagot sila sa kanya:  “Binhi ni Abraham  kami at hinding-hindi kami nagpaalipin kaninuman. Paano mong masasabing 'Magiging malaya kayo'?”

            Sumagot sa kanila si Jesus:  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ngunit hindi nananatili ang alipin sa pamamahay magpakailanman. Ang anak ay nananatili magpakailanman. Kaya kung Anak ang magpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo.

            “Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.”

           Kaya sumagot sila sa kanya:  “Si Abraham ang aming ama.”  Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon ay hangad ninyo akong patayin, na siyang nangungusap sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi gawa ni Abraham, mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.”  Kaya sinabi nila sa kanya:  “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami—ang Diyos.”

           Sinabi sa kanila ni Jesus:  “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako'y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY

Ang pagninilay natin sa araw na ito, ibinahagi ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul.  Kapatid, naniniwala ka ba talaga na Ama mo ang Diyos? Anak ng Diyos ang tunay nating pagkakakilanlan. Ang ating identity! Hindi tayo alipin kundi anak – tagapagmana ng kaharian ng Ama. Hindi totoo ang kanta: “Sapagkat kami ay tao lamang.” Sa araw na ito, hayaan mong umalingawngaw ang katotohanang ito sa iyong puso at diwa: “Anak ako ng Diyos!” Ang Diyos na may likha ng langit at lupa. Ang Diyos na nagkatawang-tao upang ipadama ang pag-ibig ng Ama. Ang Banal na Espiritu na patuloy na gumagabay sa atin.  Kapag nalilito ka, sabihin mo: “Anak ako ng Diyos!” Kapag napapagod: “Anak ako ng Diyos!” Kapag natutukso at nagkakasala: “Anak ako ng Diyos!”Kapag nalulungkot at nag-iisa: “Anak ako ng Diyos!” Kapag masaya at may nagawang kabutihan: “Anak ako ng Diyos!” Ito ang katotohanang gagabay at magpapalaya sa atin upang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos Ama.  Pakinggan natin ang kanyang Salita at paulit-ulit nating maririnig: “Ito ang aking anak na pinakamamahal.”  Panginoon Jesus na aming kapatid, inialay mo ang iyong  buhay upang iligtas kami. Huwag mo pong itulot na muli kaming maging alipin ng kasalanan. Marinig nawa naming lagi sa aming puso at isipan: “Anak ako ng Diyos!” Amen.