Daughters of Saint Paul

ABRIL 5, 2020 – LINGGO NG PALASPAS SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON

EBANGHELYO: Mateo 21:1-11

Malapit na sila sa Jerusalem, [ang maraming taong sumusunod kay Jesus]  at pagdating nila sa Betfage at Betania, sa Bundok ng mga Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawang sa kanyang nga alagad: “Pumunta kayo sa kabilang ibayo at may makikita kayo roong isang asnong nakatali na di pa nasasakyan ninuman. Kalagan n’yo ito at dalhin sa akin. Kung may magtanong sa inyo, “Ano ang gingawa ninyo?” sabihin ninyo: Kailangan ito ng Panginoon pero ibabalik din kaagad. Umalis sila at nakita ang asnong nakatali sa labas ng pintuan at kinalagan nila ito. At sinabi sa kanila ng ilang naroroon: “Bakit niyo kinakalagan ang asno?” Isinagot nila ang sinabi ni Jesus at pinabayaan sila ng mga tao. Kaya dinala nila ang asno kay Jesus at isinapin dito ang kanilang mga balabal, at naupo rito si Jesus. Marami naman ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at may iba pang naglatag ng mga sangang pinutol nila sa bukid. Sumisigaw ang mga taong nangunguna at sumunod sa kanya. “Hosanna, Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.” Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating ninunong si David “Hosanna, luwalhati sa Kaitaasan!” 

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Natatandaan ko po noong bata pa ako, na kapag ipinagdiriwang na ang Linggo ng Palaspas… isa ako sa mga batang umaawit at naghahasik ng bulaklak kapag ang pari o Obispo ay daraan sa aming patio patungo sa loob ng simbahan. Ang sabi ng matatanda, dapat lalagyan ng sapin o belo ang daraanan ng pari; dahil ang pari daw ang sumasagisag sa Kristong hari. Sabi ng lola ko, papasok na daw po kase si Kristo sa Jesusalem, hudyat ng mga mahal na araw na. Bawal na ang kumanta ng malakas at magpatugtog ng radio na malakas. Bawal na ang disco at picnic. Noon ito!  Sana ganito pa rin ngayon, para lubos nating madama ang mga mahal na araw o linggo ng pangilin. Sa mga araw na ito, makabubuting maglaan tayo ng mahabang panahon sa pananalangin, pag-uusisa ng ating sarili kung kumusta ba ang ating relasyon sa ating pamilya, kapitbahay, at komunidad.  Mga kapatid, kausapin natin ang Panginoong Hesus sa mga mahal na araw na ito. Amen.