Daughters of Saint Paul

ABRIL 5, 2021 – LUNES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Mt 28:8-15

Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Masarap sa pakiramdam na sa mga babae unang nagpakita si Hesus, matapos na Siya’y muling nabuhay. Babae ang unang binigyan ng atas at tungkuling ibalita ang kanyang muling pagkabuhay, sa kanyang mga alagad. Walang atubiling sinunod nila ang utos ng Panginoon. Maraming maaring maging paliwanag kung bakit sa mga babae unang nagpakita si Hesus.  Pero, nais ko lamang isipin na sila ay pinili, hinirang. Tunay, na walang sinuman ang makakabasa ng isipan ng Panginoon. Madalas, hindi natin kayang unawain ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay, kailangan natin ang gabay ng Banal na Espiritu. Isa lamang ang nais kong paniwalaan, bawat isa sa atin ay may misyong dapat gampanan. Mga kapatid, kung nais nating laging mapabilang kay Hesus, iwasan nating matago ang katotohanan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Maging mga buhay na saksi nawa tayo/ ng dakilang katotohanang ito. (Ang muling pagkabuhay ni Hesus ang patunay na hindi nawawalan ng kabuluhan ang ating pananampalataya kay Hesus.) Amen. Amen.