Ebanghelyo: Jn 21:1-14
Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas…at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog n’yo sa bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isda na nahuli n’yo ngayon.” Kaya lumulan si Simon Pedro at hinila ang lambat tungo sa pampang, gayong puno iyon ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. Bagamat napakarami noon, hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Kayo ba’y sino?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito na ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Gemmaria De la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nabubuhay ka pa ba sa kahapon? Dahil ba nabigo ka? Do you have come face to face sa questions of pain, suffering, o kaya, loneliness? Ngayon, naggoodbye ka na sa nasimulan na malalim na ugnayan sa iyo ni Lord, at di mo nakayanan ang mabigat na challenge. Feeling mo, talagang iniwan ka Niya. Kaya back to normal way ka na. Sa tagpo na narinig natin, bumalik si Pedro sa dati niyang ginagawa. Ang mangisda. Sumama rin si Tomas at dalawa pang alagad. Back to normal way sila, na sa bandang kaliwa ng bangka sila naghuhulog ng lambat. Nasa kultura ito ng mangingisda, at normal nila itong paraan, para ang kanang kamay ang hihila pataas kapag may huli na. Kaso magbubukang-liwayway na, wala pa silang huli. Kaya nang marinig nila ang tinig, bago pa nila makilala na si Hesus Maestro ‘yon, tumalima sila na ihulog sa kanan. Noon din, napuno ang kanilang lambat! Ngayong Easter, narito sa atin ang Muling Nabuhay na Panginoon. Inaalalayan tayong maka-recover sa ating pag-asa, lakas-loob, at direction in life. Let us remember na tayo ang dahilan ng pagbangon Niya mula sa puntod. Kaya’t sumama tayo sa Kanya na lumukso sa liwanag!