May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Hesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba’t sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila’y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Hesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig upang alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.
Pagninilay:
Maligayang kapistahan ng isang santong napakalapit sa aking puso, si San Vicente Ferrer, isang paring Dominikanong matatas at masidhing mangangaral. Inialay niya ang huling dalawampung taon ng kanyang buhay sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa iba’t ibang bansa, binigyang-diin ang pangangailangan ng pagsisisi at ang darating na paghuhukom. Kilala siya bilang “Anghel ng Paghuhukom.”
Isang linggo na lamang, papasok na tayo sa Mahal na Araw, ang pinakamahalagang linggo sa Katolisismo, pagmumuni-muni sa huling walong araw ng buhay ni Jesus—mula sa Linggo ng Palaspas hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.
Sino ba si Jesus para sa atin? Ano ang kadalasang dahilan kung bakit minsan, hindi natin mapanindigang si Jesus nga ang Cristo, ang ating Tagapagligtas?
Nag-iisa na lamang sa buhay si Boyet sapagkat may kanya-kanya nang pamilya ang kanyang mga magulang. Marami siyang katanungan sa buhay. Bakit nagkahiwalay ang kanyang mga magulang? bakit nangyari ito sa kanya? kalooban ba ito ng Panginoon? Lahat ng kasaguta’y natagpuan niya isang araw nang matunghayan ang Traslacion ng Poong Jesus Nazareno. Si Jesus, may pasang krus! Bakit?
Sa ating pagtangkang maintindihan ang ating buhay, patuloy tayong tinutulungan ni Jesus. Ang mga dakilang sandali sa buhay ng Simbahan at buhay ni Jesus lalo na ang kanyang pagpakasakit, pagkamatay sa krus at muling pagkabuhay, ay nagbibigay ng makapangyarihang mga lente. Tinutulungan tayong makita ang buhay natin sa isang bagong paraan. Pinalalawak nito ang ating pang-unawa sa ating mga sarili at sa iba. Higit sa lahat, pinapa-igting nito ang ating ugnayan kay Jesus.
Aktibo ngayon sa paglilingkod sa mga gawaing Simbahan si Boyet sampu ng kanyang asawa’t mga anak. Tunay nga, si Jesus ang sagot sa lahat ng ating mga katanungan!