Daughters of Saint Paul

ABRIL 6, 2021 – MARTES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 20:11-18

Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila na: ‘Paakyat ako sa Ama  at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Ruth Suarez ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Naranasan mo na bang mawalan ng isang minamahal? kaibigan o kapamilya? Ano ang ginawa mong hakbang para maka move-on sa kanyang pagkawala?)  Minsan na akong nawalan ng isang nakababatang kapatid. Sa panahong yaon hindi ko alam ang aking gagawin at paano ko sasabihin sa aking mga magulang. Mataimtim akong nagdasal at humingi ng gabay sa Diyos at Siya’y tumugon. Kadalasan kapag nakakaranas tayo ng kalungkutan hindi natin nakikita ang kagandahan ng buhay. Sa kabila ng ating paghahanap at paghihinagpis meron palang nakalaan ang Diyos na magandang bukas para sa atin. Ito ang naranasan ni Maria Magdalena, nababalot siya ng lungkot at hinagpis sa pagkawala ng minamahal niyang Guro. Dahil dito, hindi niya nakilala agad si Hesus hanggang sa tinawag siya sa kanyang pangalan ng “Maria”, lumingon siya at sinabi “Raboni” ibig sabihi’y “Guro”.  Nakakatuwang isipin na batid ni Hesus ang ating mga saloobin, kung tayo’y masaya o nagdadamhati. Batid din Niya ang nararamdaman ni Maria Magdalena. Dahil sa pagmamahal niya kay Hesus siya ay ginantimpalaan na unang makakita sa kanya. Siya ay sinugo ni Hesus na ibalita sa kanyang mga alagad ang kanyang nakita. Siya ay naging tagapaghatid ng mabuting balita na si Hesus ay buhay.