Daughters of Saint Paul

ABRIL 6, 2022 – MIYERKULES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

Mapayapang araw ng Miyerkules sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. Purihin ang Diyos ng Katotohanan! Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.   Gabay natin sa pang araw-araw na buhay ang Salita ng Diyos tungo sa tunay na kalayaan. Ihanda natin ang ating puso at diwa sa pakikinig sa Mabuting Balita ngayon. 

Ebanghelyo: Juan 8: 31- 42

Sinabi ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi ni Abraham kami at hinding-hindi kami nagpapa-alipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘magiging malaya kayo?’ Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ngunit hindi nanatili ang alipin sa pamamahay magpakailanman. Ang anak ay mananatili magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang magpapalaya sa inyo, totoong malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.” Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon, hangad ninyo akong patayin, na s’yang nangungusap sa inyo  ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi gawa ni Abraham, ang mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami–ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako’y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”

Pagninilay:

Marami at iba’t-ibang aspeto ang umaalipin sa tao. Alipin ang tao ng kapangyarihan, katangyagan, kayamanan. Kaya naman ito rin ang mga ginamit ng diyablo upang tuksuhin si Hesus. Hindi nagpatalo s iHesus. Napagtagumpayan niya ang mga maaaring umalipin sa kanya, dahil sa katotohanan at pagpapala ng Diyos Ama siya nabubuhay. Ngayong araw, hinihimok tayo ni Hesus namamuhay sa katotohanan upang matawag tayong mga alagad niya: Kung mananatili kayo sa aking Salita magiging mga alagad ko kayo, at malalaman Ninyo ang katotohanan at ito ang magpapalaya sainyo. “Ano ang katotohanan?” Tanong ni Pilato kay Hesus. Ang katotohanan ay yaong nasisiwalat, nabubunyag at hindi natatago sa pamamagitan ng liwanag. Si Hesus ang liwanag, aniya: Naparito ako upang magpatotoo sa katotohanan, ang nabubuhay sa katotohanan, nakikinig sa akin.Ngayong panahon ng Kuwaresma talikuran natin ang buhay sa kadiliman na dulot ng kasinungalingan, pagpapakalat ng fake news at disinformation. Maaaring makipagtalo ang isang tao sa kasinungalingan at tusong argumento, ngunit hangga’t wala siya sa panig ng katotohanan mananatili siya sa kadiliman. Ang hamon sa atin, mamuhay sa katotohanan.