Daughters of Saint Paul

Abril 6, 2025 – Linggo | Ika-5 ng Apatnapung Araw na Paghahanda (K)

Ebanghelyo: Juan 8:1-11

Pumunta si Hesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Hesus: “Guro, huling-huli ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maisakdal sila laban sa kanya. Yumuko naman si Hesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya’y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Hesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”

Pagninilay:

Minsan ka na bang nagkamali? Minsan ka na bang nagkasala? May isang manunulat ang nagsabing lahat tayo ay may dinadalang bangkay sa ating sarili. We all carry a dead person within. Ito ang sumasalamin sa bahagi ng ating buhay na pilit nating itinatago sa iba. Isang parte ng buhay natin na madilim, mabaho at umaalingasaw. Isang yugto ng ating buhay na nagkamali tayo ng ating desisyon. At ang mahirap sa ating lipunan, nagiging batayan ito ng kanilang panghuhusga sa ating pagkatao.

Tulad ng babaeng nangalunya sa ating Ebanghelyo. Hindi naman nating maitatanggi na nagkasala siya. Nahuli siya sa akto eh. At nararapat, ayon sa batas ni Moises, na batuhin siya hanggang sa mamatay. Subalit iba ang ipinakita ni Hesus sa Ebanghelyo. Sinabi niya: “Kung sino ang walang sala, siya ang unang bumato.” Ipinapakita niya na lahat tayo ay may pagkakasala. Subalit sa halip na panghuhusga, awa ang kanyang ipinakita. Sabi pa nga hate the sin but not the sinner. Binibigyan tayo ng pagkakataon ni Hesus na umahon at ituwid ang ating pagkakamali. Subalit kasabay nito ang responsibilidad at pagsusumikap na magbago.