MARCOS 16:9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”
PAGNINILAY:
Tatlo ang pangunahing paksa sa narinig nating Ebanghelyo: Una, ang hindi paniniwala agad ng mga apostol sa muling pagkabuhay ni Jesus; ikalawa, ang pagkagalit niya sa kawalang-tiwala at katigasan ng ulo nila; at ikatlo, ang pagsusugo sa kanila para ipahayag ang Ebanghelyo sa buong daigdig. At sino nga ba ang mga alagad na ito? Karamihaý mga simpleng mangingisda na hindi nakapag-aral (no read, no write) pero, nag-aalab ang puso sa pagmamahal kay Jesus. Handa nilang iwan ang mga pamilya at mga dating nakaugaliang pamumuhay, at sumuong sa panganib, gutom at maging kamatayan sa pagsunod sakanya. At TIYAK na nagtagumpay sila sa misyong ito dahil tayo ang lumalasap ngayon ng kanilang mga pagsisikap nabatid natin hanggang ngayon ang mabuting balita ng kaligtasan ni Jesus. Ano naman ang maaari nating magawa para maipagpatuloy ang misyong ito na iniatas ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa atin sa kasalukuyan? Paano pa natin siya higit na makikilala, mapapalalim ang pagmamahal sa kanya, at makatulong sa paghahatid ng kanyang salita sa mga taong nakapaligid at bahagi ng ating buhay sa ngayon? Sa araw na ito at sa mga susunod pa, GAWIN ang pinakamabuti sa abot ng makakaya at hindi para makaraos lamang. Itodo-bigay ang paglilingkod at pag-iisip ng mabuti sa kapwa at sa paglalaan ng oras sa pagtanggap sa banal na Eukaristiya, pagrorosaryo, pagbasa sa Bibliya, at kahit ilang minutong tahimik na pakikiugnay sa kanya sa mga bakanteng sandali ng ating pamamahinga. Isaisip, kung ang Diyos nga, ang kaisa-isang bugtong na anak ang ibinigay sa atin, tayo pa ba ang hindi gagawa ng abot-kaya para naman sa Kanya? Mahal na Panginoon, binigyang-halimbawa mo ang lahat ng mga mabuting bagay na gusto mong ipagawa sa amin. Nawa, patalasin mo rin ang aming mga pandama upang huwag kaming maging bulag, pipi at bingi sa iyong mga aral, Amen.