EBANGHELYO: Lk 24:13-35
Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” “Ano?” “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Edna Cadsawan ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin na nagpakita si Hesus sa dalawa niyang disipulo habang sila’y patungong Emmaus, pero hindi nila siya nakilala. Marahil magtataka tayo, bakit hindi nila siya nakilala? Samantalang sila’y tagasunod niya at siguradong nakita na nila siya nang malapitan. Kapatid, sa ating mga buhay madalas din na hindi natin nakikita at nararamdaman ang presensiya ng Diyos/ dahil sa sobra tayong abala sa ating mga gawain at alalahanin, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Pinapaalalahanan tayo ng ebanghelyo ngayon, na lagi nating kasama si Hesus sa pang araw-araw na paglalakbay sa buhay. Hindi niya tayo iniiwan! Kailangan lamang nating buksan ang ating puso’t isipan, at lubos natin itong matatamo sa pagtanggap natin sa Kanya sa Banal na Eukaristiya.
PANALANGIN
Manalangin tayo na patuloy na baguhin at pag-alabin ng Diyos ang ating mga puso/ upang palagi nating maramdaman ang kanyang presensiya sa ating buhay. Nang sa ganun, palagi tayong mapuno ng pag-asa kay Kristong muling nabuhay at maging daluyan ng pagpapala sa iba pa nating mga kapatid. Amen.