Ano ang pakiramdam mo kapag pinupuri ka ng iyong ama? Mapagpalayang araw ng Huwebes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. Pasalamatan natin ang Diyos sa araw na ito na may panibagong lakas. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Harinawang natutulungan ka ng mga pagbasa sa iyong paghahandang espiritwal. Tanggapin natin ng buong diwa at pagmamahal ang Mabuting Balita ngayon.
Ebanghelyo: Juan 8: 51- 59
Sinabi ng mga Judio: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang Mga Propeta, at sinabi mong ‘Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.’ Mas dakila ka ba kaysa ninuno namin si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang magmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n’yo na inyong Diyos. Hindi n’yo siya kilala ngunit kilala ko Siya. Kung sabihin ko man na hindi ko Siya kilala, magsisinungaling akong katulad n’yo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. “Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato para ipukol sa kanya. Nagtago naman si Jesus at umalis sa Templo.
Pagninilay:
Para sa mga Hudyo, mahirap maintindihan ang mga sinabi ni Hesus ukol sa kanyang salita at sa buhay na dulot nito. Pero para sa ating mga Kristiyano, may mas malalim nakahulugan ito. Sa kanyang sulat sa mga taga Filipos (2:16), si San Pablo ay nagsabi, “panghawakang mahigpit ang salita ng buhay”; at si San Pedro naman ay nagpahayag kay Kristo, “Panginoon, ikaw lamang ang may salita ng buhay na walang hanggan”.Sa bisa ng ating binyag, natanggap natin ang bagong buhay kay Kristo . Dulot nito ay ang kakayahang isabuhay ang Kanyang salita. Mga kapanalig, sa gitna ng paglaganap ng fake news at kulturang taliwas sa ating pagiging Kristiyano, paano nagiging buhay ang Salita ng Diyos sa ating buhay? Huwag tayong palinlang sapagkat dulot ng mga ito ay kamatayang moral at espirituwal. Nawa’y mamuhay tayo nang ganap sa pamamagitan ng pananatili kay Kristo.