Daughters of Saint Paul

Abril 7, 2024 – Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay  (B) | Linggo ng Banal na Awa ng Panginoon

Ebanghelyo: Jn 20:19-31

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot naman siya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

Pagninilay:

Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol sa pagpapakita ni Hesus sa kanyang mga alagad pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Nagtatago ang mga alagad sa Jerusalem dahil natatakot sila sa mga pumatay kay Hesus. Nagpakita si Hesus sa gitna nila at binigyan sila ng kanyang kapayapaan. Si Tomas, isa sa mga alagad ay wala noon at ng mabalitaan ang mga pangyayari ay nagsabing hindi siya maniniwala na nabuhay muli si Hesus, hangga’t hindi niya nahahawakan ang mga sugat nito. Pero sa huli, hindi lamang niya nahawakan si Hesus kundi kinilala din niya si Hesus na “Aking Panginoon at aking Diyos”. Si Tomas dito ay kumakatawan sa buong Komunidad ng mga Kristiyano, na sa wakas ay umabot sa bagong antas ng kanilang paglalakbay sa pananampalataya matapos ang lahat ng kadiliman at pagdududa. Mga kapatid, mahalagang makita si Hesus; pero ang tunay na nananampalataya ay yung hindi kailangan ng patunay upang maniwala kay Hesus bilang Panginoon at Diyos.  Sa tulong ng kanyang Banal na Awa, maging matatag nawa tayo sa ating pananampalataya.