Daughters of Saint Paul

Abril 7, 2025 – Lunes | Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 8,12-20

Sinabi ni Hesus sa mga Judio “Ako ang liwanag ng mundo, magkakaroon ng liwanag nang buhay ang sumusunod sa akin, At hinding hindi lalakad sa karemlan” Sinabi kung gayon sa kanya ng mga Pariseo “Ikaw ang nagpapatotoo sa iyong sarili? Di mapanghahawakan ang patotoo mo.” Sumagot si Hesus sa kanila “Kung ako man ay nagpapatotoo sa aking sarili mapanghahawakan naman ang patotoo ko sapagkat alam ko kung saan ako galing at kung pasaan ako, pero hindi niyo alam kung saan ako galing o kung pasaan ako naghuhukom kayo ayon sa kaya ng laman, hindi ko hinuhukuman ang sino man, kung sakali man ako’y maghuhukom mapanghahawakan naman ang paghuhukom ko sapagkat hindi ako nag iisa. Kung di ako pati na ang Amang nagsugo sa akin. Nasusulat sa batas niyo na tama ang patotoo ng dalawang tao ako ay nagpapatotoo sa aking sarili at nagpapatotoo tungkol sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kaya sinabi nila sa kanya “Nasaan ba ang ama mo?” Sumagot si Hesus “Ni ako o ang aking ama ay hindi niyo kilala, kung kilala niyo ako, kilala niyo rin sana ang aking ama,” Binigkas ni Hesus ang pananalitang ito sa may kabang yaman ng nangaral siya sa templo at walang dumakip sa kanya sapagkat hindi pa sumapit ang oras niya.

Pagninilay:

Isa sa pinaka-mahalagang natutunan ko noong nasa panahon ako ng paghuhubog ang pagkilala sa sarili at kung kanino dapat laging kumakapit. Ang pagkapit sa Panginoong Jesus ay mahalaga sa akin sa lahat ng pagkakataon. Importante ang pagkilala sa sarili dahil dito rin mag-uugat ang uri ng pakikisama ko sa kapwa. Tunay na mahalaga ang tinatawag na human formation sa lahat ng uri ng paghuhubog, sa seminaryo man ito, sa religious formation o sa mga paaralan. Hindi madaling gawain ang paghuhubog sa kumbento. Isa itong misyon para sa taga-hubog at isa ring hamon para sa hinuhubog. Nangangailangan ito ng kababaan ng loob, pagtanggap sa mga kahinaan, at positibong pagtingin sa mga bagay na sa sariling pananaw ay hindi mabuti. May mga bagay sa buhay natin na hindi natin gusto, o sana ay hindi na lang nangyari. Subalit kung titingnan ito sa liwanag ng panampalataya, naging daan pala ang mga ito upang tahakin natin ang mabuting landas.

Lahat tayo ay bunga ng ating nakaraan; subalit kung ano ang mangyayari sa bukas ay sariling desisyon na natin. Importante ang pagtanggap sa sarili. Kung paanong si Hesus ay nagpatotoo sa kanyang sarili at ang kanyang patotoo ay tunay. Ang taong may sapat na pagkakilala sa sarili at nananalig sa Diyos ay nagiging matatag sa maraming bagay. Kailangan sa ating buhay pananampalataya ang panalangin at pagtitiwala sa biyaya ng Diyos. Patuloy nating pag-alabin ang ating pagtitiwala sa Diyos at manalangin tuwina upang maging matatag tayo sa lahat ng pagkakataon.