EBANGHELYO: Lk 24:35-48
Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila at nagsabi: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”. Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang pag-aalinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda at pulot-pukyutan. Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging saksi sa mga ito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Lulu Pechuela, ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Tunay na maikli ang memorya ng tao mga kapatid. Hindi ba’t sa loob nang tatlong taon ng public life ng Panginoon ay kasama-sama niya ang mga apostoles. At saksi sila sa mga himala, pangangaral at sa kanyang propesiya tungkol sa pagkakanulo, paghuli, pagpaparusa at pagpapako sa kanya sa krus at ang muli niyang pagkabuhay sa ikatlong araw? Pero bakit nauuna sa puso nila ang takot? Siguradong ayaw nilang matulad sa Panginoon na hinuli at pinatay sa maling paratang.// Walang dudang mahal ng mga apostoles ang Panginoon. Pero hindi nila kakayanin ang misyon kung sariling kaalaman at lakas lamang ang paghuhugutan. Alam ito ng Panginoon kaya nga ipinangako niyang sa kanyang pag-akyat sa langit, ay ipadadala niya sa kanila ang isang katuwang na magpapalakas nang kanilang loob at magbibigay sa kanila nang karunungan, kapayapaan at tapang na harapin ang nararapat para sa tagumpay nang misyon .//
PANALANGIN
Banal na Espiritu, ikaw ang pinaghuhugutan namin ng liwanang, kaaalaman, kapayapaan at tapang upang kayanin ang lahat ng mga balakid sa aming misyon. Maging karapat-dapat nawa kami sa iyong pagpapala, Amen.