Daughters of Saint Paul

ABRIL 8, 2022 – BIYERNES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

Tiwala sa Diyos ating sandata sa mga pagsubok! Magandang araw ng Biyernes sa ikalimang Linggo ng Kuwaresma. Isang Linggo na lang, Biyernes Santo na. Mapapansin natin sa pagbasa ngayon ang lumalalang tensiyon sa pagitan ni Jesus at mga umuusig sa Kanya. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.   Ihanda natin ang ating puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 10: 31- 42

Dumampot ng mga bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit n’yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: ‘Aking sinabi,” mga Diyos kayo” ‘? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n’yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Jesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang naniwala sa kanya.

Pagninilay:

Nagsimula ang ebanghelyo sa tagpong nais ng mga Judiong batuhin si Hesus. Tinanong sila ni Hesus, ano bang dahilan bakit ninyo ako gustong batuhin? Hindi dahil sa kanyang mga kagilagilalas na mga milagro kayat nais nilang itumba si Hesus. Ito’y dahil sa paglapastangan daw ni Hesus sa Diyos Ama–tinatawag niya kasi ang Diyos Ama na “ABBA” o sa kaugaling Hudyo kasi Sagrado at hindi basta bastang pwedeng tawagin ang Diyos bilang ABBA o papa o tatay. Siya’y mataas di maaarok kaya’t marapat siyang respetuhin ng lubos higit pa sa lahat. Sa kabila ng lahat patuloy pa ring ipinahahayag ni Hesus na siya at ang kanyang ama ay iisa. Mga kapanalig, ang tunay na pagkakakilanan daw ng isang tao ay makikita mo sa consistency. O yung pagtugma ng Sinasabi’t ginagawa. Kung si Hesus ay patuloy na nagpapahayag at gumagawa din ng milagro’t pagpapala para sa mas ikabubuti ng lahat–edi consistent siya. Ngayong nalalapit na tayo sa mga mahal na araw hilingin natin ang grasyang iyan sa Diyos upang anumang ipukol sa ating katiwalian ay bale wala lamang kasi may matibay tayong paninindigan, prinsipyo, at pananaw sa kung ano ang Tama, Totoo, at Kalooban ng Diyos.