Daughters of Saint Paul

Abril 8, 2024 – Lunes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay | Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon

Ebanghelyo: Lk 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano ang magiging reaksiyon mo kung sasabihan ka ng isang bagay na di kapani-paniwala? Pagkamangha? Kawalan ng pagkaunawa? Kawalan ng interes? Tawa o Takot? Iba ibang reaksiyon ang pwedeng mag mula sa atin. Pero ang mga ito ay legitimate expressions, na maaaring manggaling kaninoman, sa harap nang hindi kapani-paniwalang sitwasyong katulad ng nangyari kay Maria. Mga kapatid, ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng Pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon. Sa ingles, tinatawag natin itong Feast of the Annunciation. Ayon nga sa Mabuting Balitang narinig natin, nagbalita ang anghel kay Maria – na siya ay magiging Ina ng Manunubos.  Ang pagpapahayag na ito ng Anghel kay Maria ay isang napakahalaga at katangi-tanging pangyayari na nagpabago sa takbo ng kasaysayan ng sangkatauhan. Nang tinanggap ni Maria nang buong kababaang-loob ang pahayag ng anghel na siya ay pinili upang maging ina ng Manunubos, inilaan niya ang sarili na maging instrumento ng Diyos sa kanyang gawaing pagtubos. Ang bukas na puso at kababaang-loob ni Maria ay isang paanyaya sa atin, na tularan ang kanyang halimbawa — na magkaroon din tayo ng bukas na puso sa mga pahiwatig ng Espiritu, at maging laging handa na magsabi ng Oo, sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. (‘Di ba ang “tendency” natin kapag nahaharap tayo sa isang mahirap o gipit na sitwasyon, iniisip natin kung anong positive results ang magiging bunga ng ating desisyon o aksyon, sa ating buhay? Self-preservation, ‘ika nga. Samantalang si Maria, ang kalooban ng Diyos ang tanging iniisip at wala nang iba pa. Hindi ang kanyang sariling kalooban, o ang kanyang sariling kagustuhan.  Kapatid, hilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng biyayang tumugon sa kalooban ng Diyos nang walang pag-aalinlangan. Nawa’y manatiling bukas ang ating puso at maging laging handang tumugon sa Kanyang tawag sa bawat sandali ng ating buhay. Amen.)