Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n’yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon?’ Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Hesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo’y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n’yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Hesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n’yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Hesus, marami ang naniwala sa kanya.
Pagninilay:
“Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y Ako Nga’, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan,” sabi ni Jesus sa mga Pariseo. Tinuya nila siya. Itong hamak na karpintero! Ipinadala ng Diyos? Hello!
Ngunit iginiit ni Jesus: “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako’y Ako Nga.” Hindi naniniwala kay Jesus ang mga Pariseo dahil para sa kanila isa siyang nobody. Samantalang sila ang nakakaalam ng Kasulatan. Sila ang mga banal ng Israel. Hinihintay nila ang Mesiyas at nasa harapan na nila siya ngayon. Ngunit hindi nila siya nakikilala.
Kung huminto muna sana sila at binalikan ang mga Banal na Kasulatan maaalala nilang nang tanungin ni Moises ang Diyos kung ano ang Kanyang pangalan, sinabi niya, “AKO NGA”! Ngunit binulag ang mga Pariseo ng pagmamataas. Akala nila alam nila kung ano ang magagawa at dapat gawin ng Diyos. Naisip nila “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong si Jesus. No way.”
Hindi ba ganito rin ang ginagawa natin kapag iniisip natin kung ano ang dapat gawin ng Diyos. Tinatanong natin: “bakit Niya pinahihintulutang magtagumpay ang masasamang tao? Bakit Niya hinahayaang magdusa ang mga inosente? Bakit hindi Niya pinaru-rusahan ang mga taong sumisira sa Simbahan?” Kapag iniisip nating tayo lang ang matalino at banal, hindi natin tinatanggap na maaaring makipag-usap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng mga taong hinatulan nating mas mababa kaysa sa atin. Pero wala namang monopoly ang sinuman sa katotohanan. Ang lahat ng mga turo at ideya ay dapat unawain sa pamamagitan ni Jesus, ang walang hanggang Katotohanan. Siya lamang ang naghahayag ng buong katotohanan tungkol sa Diyos, sa tao at sa buong sangnilikha. Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Siya ang Tagapagligtas na nag-aalok sa atin ng kaligtasan. Ang masasakit niyang salita sa mga Pariseo ay talagang mga kataga ng pag-ibig: isang babala at isang paanyaya: “Maniwala kayo sa akin sapagkat ako ang inyong Kaligtasan; lumaban kayo at mamamatay kayo sa inyong kasalanan”.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, sinasabi rin niya ito sa atin. Tinatawag niya tayong magtiwala sa kanya: magbalik-loob, magpakumbaba, mahabag, at magmahal.
Panginoong Hesus, dagdagan mo ang aming pananampalataya at tulutan mong lakas-loob kaming magmahal nang totoo at bukas-loob. Amen.